Patay ang isang babaeng call center agent, habang malubha namang nasugatan ang kaniyang kasama, matapos silang salpukin ng isang kotse habang tumatawid sa kalsada sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Fely Luz Tamayo, 24-anyos.

Malubha namang nasugatan ang kasamahan niya na si Hanna Marie Castro, 24-anyos din.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Concepcion, makikita ang dalawang biktima na tumawid sa kalsada. Pero tumigil sila sa gitna dahil may paparating na truck.

Maya-maya lang, makikita na ang isang kotse na mula sa kabilang direksyon na mabilis ang takbo at binangga ang mga biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Warly Calingayan Bitog, hepe ng Cabanatuan city Police, papasok noon sa trabaho ang mga biktima nang mangyari ang trahediya.

Tumakas naman ang nakadisgrasyang kotse pero may nakitang isang kotse na dinala sa talyer na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Wasak ang harap ng sasakyan at may bahid ng dugo.

Sinabi ni Bitog, na isasailalim sa DNA test ang nakitang bahid ng dugo sa kotse para makumpirma kung galing ito sa mga biktima.

May person of interest na ang pulisya sa kaso pero tumanggi muna silang magbigay ng iba pang detalye habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Hiling ng pamilya Tamano na mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ni Castro, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News