Agaw-pansin sa netizens, lalo na sa fans ng "Voltes V: Legacy" ang isang drummer sa Cebu City na sinabayan ang theme song ng television fantasy series gamit ang kanyanng improvised drum set.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na inilabas din sa Unang Balita nitong Huwebes, ang gamit na drum set ng drummer ay patapong mga bagay gaya ng lata ng biscuit, butas na balde, takip ng kaldero, at iba.
Kumpleto ang drum set ni Donie Amanense habang sinabayan niya ng drum ang pinapatugtog na theme song ng "Voltes V: Legacy." Nag-viral ang kanyang video.
Ayon sa ulat, dating taxi driver si Donie, at dahil wala pa siyang trabaho matapos mag-expire ang kanyang lisensya, bumalik muna siya sa musika.
Nang mag-viral ang kanyang video may nag-message umano sa kanya na bibigyan siya ng brand new drum set, ayon sa ulat.
Hindi raw niya akalaing totohanin ito ng sender ng message. Natanggap na ni Donie nitong Lunes ang brand new electric drum set na padala mula pa sa ibang bansa. —LBG, GMA Integrated News