Nailigtas ang isang sanggol na lalaki na 11-buwang-gulang na nakitang gumagapang malapit sa basurahan na nasa gilid ng kalsada sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa video na hawak na ng isang lalaki ang sanggol sa bahagi ng Barangay Nancayasan dakong 2:00 am.
Kuwento ni Anne Padilla, ang mister niya ang may hawak sa sanggol. Nadinig daw nila ang iyak ng sanggol habang naglalakad sila at nakita nila ito malapit sa basurahan na gumagapang.
"Super gulat, na-shock kami.Masasagasan na siya kasi gumagapang siya," ayon kay Padilla.
Ini-report ng mag-asawa sa pulisya ang pagkakakita nila sa sanggol.
Kinalaunan, natunton at nakilala ang ina ng sanggol na si Shiela Muleta.
Ayon kay Muleta, dakong 3:00 am nang napansin niya na wala sa higaan ang kaniyang anak. Hinala niya, may pumasok sa kanilang bahay at tinangay ang bata.
“Pinasok kami sa loob ng bahay kasi ‘yung anak ko 11 months pa lang... Kung tutuusin, hindi pa ‘yan nakakalakad. Maaari na may kumuha sa baby ko na kakilala namin," saad niya.
Tatlong minuto ang layo ng bahay ni Muleta sa basurahan kung saan nakita ang sanggol.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya sa naturang insidente na maaari umanong isang kaso ng kidnapping kung mapapatunayan na kinuha ang bata nang walang paalam sa mga magulang. --FRJ, GMA Integrated News