Patay ang isang pulis sa Quezon na nagsasagawa ng imbestigasyon sa naunang insidente ng pamamaril dahil sa road rage na sangkot ang dalawang tricycle driver. Ang biktimang pulis, binaril umano ng kapatid ng tricycle driver na naunang nabaril sa road rage incident.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang nasawing pulis na si Corporal Reniel Marin ng Candelaria police station.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kasama si Marin sa police team na nagsasagawa ng follow-up investigation sa nangyaring road rage noong Sabado na nauwi sa pamamaril at pagkakasugat ng suspek na tricycle driver na si Teodolo Rustia Jr., sa biktima at kapuwa niya tricycle driver na si Morfie Azul.
Tumakas si Rustia matapos ang insidente habang dinala naman sa ospital ang sugatang si Azul.
Ayon kay Police Colonel Ledon Monte, director ng Quezon Police Provincial Office, pinuntahan ni Marin, at iba pang pulis ang bahay ng tumakas na suspek na si Rustia.
Pero nagpunta rin pala sa bahay ni Rustia ang kapatid ng biktimang ni Azul na si Efren, na armado ng kalibre .38 baril.
Nang makita niya ang grupo ni Marin, pinaputukan niya ito at tinamaan sa dibdib ang pulis, na nasawi habang ginagamot sa ospital.
Nakatakas naman si Efren, at nasugatan din niya sa ginawang pamamaril ang isang batang babae na 12-taong-gulang.
Hinala ni Monte, posibleng napagkamalan ni Efren ang mga pulis na kamag-anak ng suspek na si Rustia na nakabaril sa kapatid niya.
Patuloy na tinutugis ngayon ng mga awtoridad si Efren at si Rustia. --FRJ, GMA Integrated News