Patay ang apat na pasahero habang kritikal ang kalagayan ng dalawang iba pa sa aksidente sa daan sa Puerto Princesa City, Palawan nitong Linggo.
Sa ulat ni Ivy Valdez ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB, sinabing sumalpok sa gilid ng kalsada ang isang shuttle van at tumagilid sa bahagi ng highway sa Barangay Sta. Lucia.
Ayon sa ulat, galing ang van sa bayan ng Quezon sa katimugang bahagi ng Palawan at papunta sa Puerto Princesa City.
FLASH REPORT: 4 na tao, patay; dalawa, kritikal, matapos maaksidente ang isang pampasaherong shuttle van sa bahagi ng Brgy. Sta. Lucia, Puerto Princesa City, Palawan. | via Ivy Valdez, Super Radyo Palawan pic.twitter.com/qKGJN4prFI
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 30, 2023
Dadag ng ulat, 11 ang nasa shuttle van --10 pasahero at pang-11 ang driver nito.
Nadulas umano ang unahang gulong ng sasakayan dahil na rin umano sa mga pag-ulan at nawalan ng kontrol ang drayber hanggang sa sumalpok ang van sa gilid ng kalsada at tumagilid, ayon sa ulat.
Apat ang patay sa aksidente at ang nadawang sugatan ay naisugod sa isang ospital sa Puerto Princesa. —LBG, GMA Integrated News