Dahil sa malakas na iyak, nasagip ang isang babaeng sanggol na nasa loob ng sako at iniwan sa pagitan ng mga nitso sa isang sementeryo sa Masbate. Ang magulang ng bata, natunton kinalaunan.
Sa ulat ni Jessie Cruzat ng GMA regional TV Balitang Bicolandia sa "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang pagmamadali ng mga tao na hanapin ang pinagmumulan ng iyak sa sementeryo sa bayan ng Cataingan.
Hanggang sa makita na nila ang isang sako na kinalalagyan ng sanggol. Kaagad din nilang ipinaalam sa mga awtoridad ang pagkakatuklas sa bata.
“Dinala namin ‘yong bata sa Rural Health Unit for proper vaccination. And then, chineck-up na rin ng doctor, binigyan ng reseta para sa milk feeding and other needs ng bata,” ayon kay Eden Lalaguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Cataingan local government unit.
Natukoy naman ng pulisya ang mga magulang ng sanggol sa Barangay Bagumbayan sa parehong bayan.
Aminado umano ang ina ng sanggol na sinadya nilang itinapon ang anak.
“Meron kasing hidden story about the baby. According sa husband, gusto niyang akuin ‘yong responsibilidad over the baby. ‘Yong mother ang ayaw talaga. So, ang mother ang meron depression o talagang decided na ayaw niyang makita ‘yong baby,” ayon kay Lalaguna.
Nasa mabuting kalagayan na ang sanggol na pinangalanang “Blessy” at inaalagaan ng tumatayong foster parent nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng MSWDO sa insidente, at hindi nila inaalis ang posibilidad na sampahan ng kaso ang nag-abandona sa sanggol. --Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News