Arestado ang isang construction worker sa Quezon City matapos umanong molestiyahin ang 14-anyos na anak ng kanyang katrabaho sa Batangas.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na isinilbi ng Quezon City Police District Station 6 (QCPD-6) ang arrest warrant para sa suspek na 29-anyos na construction worker sa kanyang bahay sa Barangay Commonwealth.
Ayon sa ulat, ang arrest warrant ay para sa two counts of acts of lasciviousness.
Pahayag ng mga pulis, 14-anyos ang biktima na anak ng katrabaho ng suspek. Dalawang beses umanong minolestiya ng suspek ang biktima sa Batangas nito lamang nakaraang Enero.
Agad umanong nakapagsumbong ang biktima sa kanyang nanay kaya naisampa ang reklamo laban sa suspek.
Napag-alamang ang suspek ay ika-siyam sa top 10 most-wanted person ng QCPD-6.
At ayon sa mga pulis, taga-Quezon City talaga ang suspek at nagtatrabaho sa Batangas.
Itinanggai ng suspek na minolestiya niya ag biktima. "Hindi po totoo yun. Pinag-iinitan lang nila ako dahil sa inggit. Yun lang po ang masasabi ko," pahayag ng suspek sa harap ng media.
Dagdag niya nang tanungin kung bakit naiinggit ang mga nagreklamo, sabi niya, "Dahil sa trabaho, ako po ang pinag-aanuhan ng boss namin. Kumbaga ako yung pina-priority ng boss namin."
Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of arrest warrant sa korte, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News