Nagtamo ng matinding sugat sa katawan na dahilan ng kaniyang pagkamatay ang isang 23-anyos na mangingisda na aksidente umanong nasabugan ng kaniyang dinamita sa Placer, Masbate.
Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jake QuiƱones. Sugatan din sa naturang insidente ang kaniyang ama at nakababatang kapatid.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari umano ang insidente sa karagatang sakop ng Barangay Nagarao sa Placer.
Hinihinala ng mga awtoridad na sumabog ang dinamita bago pa maihagis ng biktima.
"Itigil na po nila itong ginagawa nilang ilegal na pangingisda gamit yung ipinagbabawal na dinamita. Which is hindi naman rampant dito sa amin kasi wala naman pong reported na mga ganiyang incident," ayon kay PSSG Bonifacio Neri Jr., OIC Placer MPS.
Nagpaalala naman si Wheng Briones, BFAR-Bicol, sa matinding pinsala na idinudulot ng dynamite fishing
"Ang extent ng pagba-blast po natin, hindi lamang isda ang pinapatay niya pero pati na ang mga itlog and even the corals. So within the 15-20 meters na radius, lahat apektado. In one blast, marami po ang naaapektuhan," sabi ni Briones. --FRJ, GMA Integrated News