Hindi na naisalba ang buhay ng isang lalaking Grade 2 pupil matapos na mabulunan umano dahil sa tsokolate sa loob ng isang paaralan sa Cadiz City Negros Occidental.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing hirap si Ryan Escalicas, na tanggapin ang sinapit ng kaniyang walong-taong-gulang na anak, na inilarawan niyang masipag, mabait, at masayahing bata.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing recess nang mangyari ang insidente sa Cadiz East Elementary School 1.
Bigla na lang umanong tumayo, lumapit at yumakap sa kaniyang guro ang bata.
Kinumpirma umano ng duktor na nabulunan ang bata. Batay sa impormasyon mula sa school division, tsokolate ang huling kinain ng bata.
Dahil sa nangyari, pinulong ng Cadiz City School Division ang mga magulang at teacher adviser para makagawa ng hakbang upang hindi na maulit pa ang insidente.
Plano umano ng school division na magsagawa ng first aid at basic life support training sa paaralan. Isasailalim din sa psychological debriefing ang mga estudyanteng nakakita sa pangyayari.
Nagdesisyon naman ang pamilya ng bata na huwag nang isailalim sa awtopsiya ang mga labi nito.
Pero humihingi sila ng tulong para makauwi kaagad sa bansa ang ina ng bata na isang OFW sa Kuwait.--FRJ, GMA Integrated News