Nasawi ang isang magtiyuhin nang bumangga sa isang nakaraparang backhoe sa Banna, Ilocos Norte ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na si Danny Ricamara, 40-anyos, at Mark Gallardo, 18-anyos, residente sa nasabing bayan.
Ayon sa pulisya, papunta raw sa lamay ang mga biktima nang bumangga at pumailalim ang sinasakyan nilang motorsiklo sa nakaparadang backhoe sa Barangay Marcos.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang magtiyuhin dahil sa matinding sugat sa ulo at katawan na kanilang tinamo.
"Base sa imbestigasyon, may ilaw naman kung saan naka-park yung backhoe. Pero yung dalawang biktima walang suot na helmet, uminom din umano sila sa bahay nila bago nagtungo sa sentro," ayon kay PSSG Jessie Balagat, imbestigador ng Banna Police Station.
Inabisuhan na umano ng pulisya ang kontratista ng proyekto na dagdagan ang warning device sa lugar kung saan nakatigil ang backhoe na sinakop ang center at shoulder lane ng kalsada.
Nananawagan naman ang ama ni Gallardo na mabigyan sana sila ng pinansiyal na tulong para sa pagpapalibing ng kaniyang anak.
Nagpayo rin si Balagat sa mga motorista na iwasan na magmaneho kapag nakainom na sanhi umao ng aksidente.--FRJ, GMA Integrated News