Arestado ang isang 63-anyos na lolo sa Mangaldan, Pangasinan dahil sa panggagahasa sa kaniyang 13-anyos na apo. Aminado ang suspek sa krimen at sinabing ang biktima raw ang nagpupunta sa kaniya.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, ikinuwento ng biktima na sinabihan siya ng kaniyang lolo na bibigyan siya ng damit at pera.
Inaya umano siya ng kaniyang lolo sa kubo at doon na nangyari ang panghahalay.
Ngunit dahil sa takot, hindi nagawa ng biktima na isumbong sa kaniyang mga magulang ang ginagawa sa kaniya ng lolo.
Ilang beses umanong nangyari ang panggagahasa mula nitong Marso hanggang Abril 8, ang araw nang makita ng isang batang lalaki ang ginagawang kahalayan ng lolo sa biktima.
"Tinitingnan ko yung kalapati, nakita ko po sila nakahubad," ayon sa bata.
Isinumbong sa pulisya ang insidente at kaagad na naaresto ang suspek.
Ayon sa awtoridad, positibong nagalaw ang biktima batay sa resulta ng medico-legal.
Hindi naman itinanggi ng lolo ang ginawa niya sa kaniyang apo.
"Kung minsan nagagalaw ko dahil pupunta siya doon sa... lasing ako. Kung gusto mo nang gawin ito mag-asawa na tayo sabi ko," ayon sa suspek. "Mapilit din siya eh. Medyo nalasing din ako nung pumunta dine kaya medyo nagalaw ko po siya."
Ang ama ng biktima, hindi inakala na gagawin ng kaniyang ama ang kahalayan sa kaniyang anak.
Sinampahan na ng kaukulang kaso ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News