Sumuko sa mga awtoridad ang isang 19-anyos na rider matapos niyang muntik masagasaan at dinuro-duro pa umano ang isang traffic enforcer na sumita sa kaniya sa General Santos City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood na habang kinakausap ng enforcer ang rider, biglang pinatakbo ng suspek ang motorsiklo at tumakas.
Nang makalayo, tila dinuro pa ng rider ang enforcer. Matapos nito, bumalik ang rider na may dalang bato, pero umalis din nang hindi na naabutan ang enforcer.
Sumuko kalaunan ang suspek sa Public Safety Office ng General Santos.
Sinabi ng PSO GenSan, sinita ng traffic enforcer ang rider at ang angkas nito dahil pareho silang walang suot na helmet.
Mahaharap ang rider sa patung-patong na kaso.
Sinubukan ng GMA Regional TV One Mindanao na makuha ang panig ng rider na hindi na iniharap sa media. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News