Nalagay sa peligro ang buhay ng dalawang katao matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang pickup truck sa kalsadang nasa tabi ng bangin sa Barlig, Mountain Province. Ang insidente, nakunan ng isang motoristang nagvi-video noon ng tanawin sa bundok.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang agarang pagtulong ng mga sakay ng sasakyan na kasalubong sana ng pickup truck at iba pang motoristang kanilang kasunod.
 
Pahirapan ang paglabas ng mga biktima sa nakatagilid na noong pickup truck.
 
Itinayo kalaunan ng mga motorista ang sasakyan at hinila nila ito para maitabi sa kalsada.
 
Ayon sa pulisya, dalawa ang sakay ng pickup, na galing sa Nueva Vizcaya at patungo sana ng Mountain Province.
 
Posibleng hindi kabisado ng driver ang daan, o hindi sanay sa kalsada sa bundok.
 
"Paahon 'yung kalsada, kurbada. 'Yung sasakyan is automatic. 'Yung driver, hindi niya [makontrol], siguro nabitin, namatay ang makina kaya dumausdos paatras. Nakabig na lang niya pakanan papunta sa bundok kasi kung sa kaliwa niya kakabigin, malalaglag siya sa bangin,” sabi ni Police Senior Master Sergeant Jimmy Fonang ng Barlig Police Station.
 
Nasa maayos nang kalagayan ang mga sakay ng pickup, na hindi nagbigay ng pahayag sa media.
 
Sinabi ng uploader ng video na walang tinamong major injuries ang mga sakay ng pickup.
 
Nagmagandang loob din ang isa sa mga sibilyang sumaklolo para samahan ang mga biktima hanggang sa makabiyahe sila pauwi.
 
Wala ring ibang motoristang nasaktan sa insidente. —VBL, GMA Integrated News