Tatlong estudyante at dalawang menor de edad, ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa ilog at beach sa Pangasinan, Cagayan at Nueva Ecija.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nasawi matapos malunod sa Sinabaan riverbank sa Umingan Pangasinan, ang grade 12 student na si Wilmer Soria, 18-anyos.

Sa imbestigsyon ng pulisya, sinabing nagkayayaan ang biktima at apat nitong kaklase na maligo sa ilog matapos ang klase dahil sa init ng panahon.

Pero ilang minuto lang ang nakalipas, bigla na lang umanong nawala sa kanilang paningin si Soria kaya humingi na sila ng tulong.

Dalawang oras ang lumipas bago nakita ang katawan ng biktima.

Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.

Nalunod naman sa bahagi ng Minalungao National Park sa Barangay Pias sa General Tinio sa Nueva Ecija ang dalawang binatilyo na sina Joshua Mallari, 17-anyos, at Romnick Bote, 16-anyos, parehong residente sa nasabing bayan.

Nagkayayaan daw ang dalawa na maligo sa ilog kasama ang tatlo pang kaibigan nang mangyari ang insidente.

Sinasabing tinangay ng malakas na agos ng tubig ang dalawa, at wala na silang buhay nang makita.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng pamilya ng dalawa.

Sa beach naman na sakop ng Barangay Cabuluan West sa Ballesteros, Cagayan, nalunod ang dalawang college student na kasama sa ginagawang religious activity sa lugar.

Ayon sa pulisya, posibleng tinangay ng malakas na current ng tubig sa dagat na tinatawag na "alinuno" ang dalawa. --FRJ, GMA Integrated News