Nasawi dahil sa matinding sugat sa ulo at naputol pa ang isang kamay ng isang vulcanizer nang masobrahan sa hangin at sumabog ang gulong na kaniyang inaayos sa isang talyer sa Tuao, Cagayan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Romnick Bugar.
Ayon sa pulisya, isang metro ang layo ng biktima mula sa gulong na kaniyang nilalagyan ng hangin gamit ang compressor.
Sinabi ni Police Major Jhun Jhun Balisi, hepe ng Tuao Police Station, na nagkaroon ng kapabayaan ang biktima kaya nangyari ang insidente na kaniyang ikinamatay.
"Habang pinapalagyan ng hangin gamit ang compressor, iniwanan niya yung gulong na pinapalagyan ng niya ng hangin at may ginagawa na iba pa. Hindi niya namalayan na nasobrahan ng hangin yung gulong, 'yon ang cause ng pagsabog ng gulong," paliwanag ng opisyal.
Payo ni Balisi, dapat na laging isaalang-alang ang kaligtasan, gayundin ang mga customer kapag nagpapabomba o nagpapahangin ng gulong.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News