Pinagsaluhan ng mga residente at local officials sa Carcar City, ang sari-saring mga putaheng baboy, kasama ang lechon, upang ipakita ng pamahalaang lungsod na ligtas na ang kanilang syudad sa African Swine Fever (ASF).
Sa ulat ni GMA Regional TV Cebu Live! host Lou-Anne Mae Rondina sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sa pamamagitan ng naturang salo-salo ipinakita ng alkade ng Carcar City na kontrolado na ang ASF sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat, nagmistulang isang pagdiriwang sa pista ang kainan na idinaos sa pamihihang bayan ng Carcar City na pinagsaluhan ng mga residente at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Tampok ang lechong baboy sa mga iba't ibang putahe na inihain sa pananghalian na pinangunahan ng mga meat vendor at lechonero ng siyudad.
"Ipapakita natin sa buong mundo at sa buong Pilipinas na kahit tinamaan tayo ng ASF, nakontrol na natin ito, sa tulong rin ni Governor Gwen [Garcia], " pahayag ni Mayor Patrick Barcenas.
Apektado umano ang mga magkakarne at magle-lechon nang tumama ang ASF sa kanilang lugar.
Sa ngayon, ayon kay Dr. Mary Ann Gabona, Carcar City Veterinarian, kontrolado na ang ASF sa Carcar. —LBG, GMA Integrated News