Imbis na motorsiklo, ambulansiya ang ginamit na sasakyan ng isang lalaki sa ginawang pamamaril sa Marawi City sa Lanao del Sur na isang lalaki ang tinamaan.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, nakuhanan sa CCTV camera ang salarin na sakay ng ambulansiya na tumigil sa gilid ng kalsada.
Binuksan ng drayber ng ambulansiya ang bintana ng sasakyan at pinaputukan ang nakatayong lalaki na nasa bangketa.
Kaagad na tumakas ang salarin. Ngunit madali namang natunton ang sasakyan dahil sa tatak nito.
Ayon sa pulisya, pagmamay-ari ng bayan ng Ganassi ang ambulansiya.
Lumilitaw na ang suspek na nagmaneho nito ay si Ansary Marohombsar, dating konsehal ng munisipyo.
"Allegedly 'yung suspek is team leader ng MDRRMO [Municipal Disaster Risk Reduction Management Office] ng Ganassi Municipality kaya may access talaga siya sa ambulansya,” sabi ni Marawi CPS Chief Police Lieutenant Colonel Gieson Baniaga.
Pinaghahahanap pa ng mga awtoridad ang suspek.
Kinilala naman ni Baniaga ang biktima na si Joseph Alindo Saragena na nasugatan sa nangyaring pamamaril.
Pero lumilitaw sa imbestigasyon na nadamay lang si Saragena dahil ang talaga raw target ng suspek ay ang katabi nito.
“There was this initial report na ang nangyaring insidente kahapon ay parang personal grudge. ‘Yun nga kanina sinabi ko na may involving love triangle,” dagdag ni Baniaga.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang ambulansiya na inabandona umano ng suspek. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News