Nagulantang ang may-ari ng isang aso nang malaman nilang nabundol ng sasakyan ang kanilang alaga sa Cauayon, Negros Occidental. Pero ang higit na ikinagalit nila, nang makita nila ang aso na kinatay na para kainin.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkules, inihayag ni Kate Escultura na minahal at itinuring nilang miyembro ng pamilya ang kanilang aso na si "Xavier."
Pero noong Marso 5, nasawi si Xavier nang mabundol ng hindi pa matukoy na sasakyan at kung sino ang driver.
Isang residente raw sa lugar ang umamin na kinuha nito ang aso na patay na at dinala sa kaniyang bahay.
Pero nanlumo ang pamilya Escultura nang makita nila ang pinakamamahal na alaga na nakatay na at nakahiwalay na ang ulo.
"Na-chop-chop na siya. Masakit. Ang iba hindi nila maintindihan kasi para sa kanila aso lang si Xavier. Pero para sa amin mahal namin siya tapos nakita namin na binalatan na siya, mabaho na,” ani Kate.
Kinuha nila ang mga labi ni Xavier, inilibing at iniyakan nang labis.
Hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang lalaking kumatay sa aso dahil dinidinig na sa barangay ang reklamo ng pamilya Escultura laban sa lalaki.
"Supposed to be sana inilibing na lang kasi hindi natin alam baka may rabies ang aso o wala. May batas tayo na Animal Welfare Act. May nagmamay-ari sa aso, so it is the rightful owner's decision na ibigay ang respect sa aso,” sabi ni Police Lieutenant Judesses Catalogo, Spokesperson, NOCPPO.
Desidido ang pamilya Escultura na sampahan ng reklamo ang lalaki.--FRJ, GMA Integrated News