Nagtamo ng lapnos sa balat ang isang sanggol na dalawang buwang gulang matapos na masunog ang kanilang bahay sa Passi, Iloilo. Sugatan din ang kaniyang ina na pilit na iniligtas ang anak.
Ayon sa ulat sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng lola ng sanggol, na naiwan ang sanggol na natutulog sa bahay kasama ang pitong-taong-gulang na kapatid.
Sandali umanong umalis ang ina ng mga bata para pumunta sa tindahan.
Ngunit nagising umano ang nakatatandang kapatid na nasusunog na ang kanilang bahay kaya kaagad itong humingi ng tulong sa kanilang mga kaanak.
Nang dumating ang ina, hindi ito nagdalawang-isip na pumasok sa nasusunog nilang bahay para iligtas ang sanggol kaya pareho silang nagtamo ng lapnos at ginagamot sa ospital.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog dahil sa naiwang kandila na may sindi.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News