Tinakpan ng unan sa mukha at sinakal umano ng isang anak ang kaniyang sariling ina hanggang sa mamatay sa loob ng kanilang bahay sa Naguilian, Isabela.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing tinangay rin umano ng suspek ang P100,000 na pera ng kaniyang ina.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Lucilyn Ocampo, 63-anyos, ng Barangay Palattao. Tumakas naman ang suspek na si Alfie Ocampo, 36-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na 13 taon na nagtrabaho sa Maynila ang suspek, at umuwi lang nang mawalan na ng mapapasukan.
Ayon kay Jessie Malanum, bago ang krimen, napansin niya ang kaniyang pamangkin na suspek na nagsasabi na papatayin ang kaniyang ina kaya niya ito sinita.
Pero sumagot daw ang suspek na nagbibiro lang siya.
Nakikita rin umano ni Malanum na mahilig maglaro ng pustahan ang suspek sa cellphone.
Tinangay umano ng suspek ang pera ng ina naaabot sa P100,000 na gagamitin sana sa pagpapaayos ng bahay.
Sinampahan na ng kasong parricide ang suspek na patuloy na pinaghahanap ng awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News