Inihayag ng Police Regional Office 2 (PRO2) na hindi nila mga kabaro ang nanambang sa grupo ni Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Nakita rin ang isang sunog na sasakyan na ginamit ng mga salarin.
Bukod kay Alameda, nasawi rin sa ambush ang kaniyang mga kasama na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.
Batay sa testimonya ng mga saksi, nakauniporme umano ng mga pulis ang nanambang sa grupo ng bise alkalde. Pulang plaka rin umano ang nakakabit sa getaway vehicle ng mga salarin.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng Police Regional Office 2 (PRO2) Public Information na hindi mga pulis ang nanambang sa bise alkalde, ayon na rin kay PRO2 chief Police Brigadier General Percival Rumbaoa.
Sa pahayag naman nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na isang sunog na sasakyan ang nakita sa Solano, Nueva Vizcaya.
Sinusuri na ng mga awtoridad ang registration number ng sasakyan para matukoy kung sino ang may-ari nito.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing ninakaw lang umano ang plaka na nakakabit sa sasakyan.
"Sa ngayon ay ongoing yung verifications sa SOCO kanina. Kinuha nila yung chassis number at engine number ng sasakyan. Yun lang ang puwede nating makuha para maipa-verify sa LTO kung kanino nakapangalan yung sasakyan. Kung matunton namin yung napagbentahan niya hanggang matukoy yung huling gumamit ng sasakyan ." ayon kay Police Major Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station.--FRJ, GMA Integrated News