Nahuli-cam sa Iloilo City ang pananakit ng ilang kalalakihan sa isang suspek na nagnakaw umano ng bigas. Nang dalhin sa police station ang suspek, sinabi ng pulisya na posibleng may problema sa pag-iisip ang lalaki.
Sa ulat ni Rudje Mar Sucaldito sa GMA Regional TV News nitong Martes, makikita sa video na kuha ng isang concerned citizen ang isang lalaking nakahubad habang pinagtutulungan ng ilang kalalakihan na igapos.
Pero may mga pagkakataon na sinusuntok at sinisipa ng mga lalaki ang inaarestong nakahubad na lalaki.
Maririnig sa video ang pagsigaw ng lalaking inaaresto.
Ayon sa concerned citizen, mga tauhan umano ng Barangay Sto. Domingo sa Arevalo ang dalawa sa mga lalaking humuli sa nakahubad na lalaki.
Dinala sa police station ang inarestong lalaki na sinasabing nagnakaw umano ng bigas sa isang tindahan.
Ayon sa pulisya, may mga pasa sa katawan ang lalaking inaresto. Lumilitaw din sa kanilang pagsusuri na maaaring may problema umano sa pag-iisip ang lalaki dahil hindi ito makausap nang maayos.
Sinubukan na kunan ng pahayag ang mga opisyal ng barangay kaugnay sa insidente pero wala umanong humarap sa GMA Regional TV.
May pinuntahan din umano ang punong barangay at hindi pa makapagbibigay ng pahayag. Hindi pa umano batid kung sino ang mga tauhan ng barangay na nakuhanan sa video.
Paalala naman ng pulisya, hindi dapat sinasaktan ang mga inaarestong tao. Maaari umanong masampahan ng reklamong physical injury ang mga nanakit sa inarestong lalaki.--FRJ, GMA Integrated News