Nagkalat sa kalsada ang mga gamit at ang mga sakay ng isang tricycle o "bangkolong," matapos itong sumalpok sa nakasalubong na delivery truck sa Plaridel, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng hapon sa  highway na sakop ng Barangay Tanauan.

Anim sa pitong sakay nito ng tricycle ang nasugatan, at ilan sa kanila ang dinala sa pagamutan dahil sa matinding bali at sugat na tinamo.

Ayon sa pulisya, maituturing na overloaded ang tricycle dahil sa dami ng kargang mga gamit na ibinebenta, bukod pa sa mga sakay nito na anim na pasahero, bukod pa sa driver.

Sa imbestigasyon, papunta umano sa peryahan ang mga trabahador na nakasakay sa tricycle. Nag-overtake umano ito sa sinusundang tricycle at biglang nabaklas ang kadena.

Dito dito, nawalan ng kontrol ang driver sa tricycle hanggang sa bumangga na sa nakasalubong na delivery truck.

Nagkausap na umano ang magkabilang panig sa nangyaring insidente. Habang sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang driver ng tricycle at driver ng truck, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News