Arestado ang isang magbayaw matapos silang mahuli sa akto ng pagkakatay ng mga aso sa Gapan, Nueva Ecija. Ang mga suspek, napag-alamang mga dog meat trader din sa lugar.
Sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood ang pagpasok ng mga tauhan ng Animal Kingdom Foundation kasama ang mga taga-CIDG sa isang compound sa Barangay Mangino.
Pagdating ng mga awtoridad sa likurang bahagi ng compound, naaktuhan nila ang mga suspek na nagpapakulo ng tubig, at tumambad sa kanila ang kaawa-awang kalagayan ng dalawang asong wala nang mga buhay at inalisan na ng mga lamang-loob.
Katabi ng mga patay na aso ang ginagamit ng magbayaw sa pagkatay at pagluluto.
Kinilala ang magbayaw na sina Ramon Garces at Antonio Pacunla.
Matagal nang minamanmanan ng AKF ang pagkakatay ng mga aso sa barangay, kung saan tatlo hanggang limang aso ang kinakatay ng mga dog meat trader kada araw.
Sinabi ng magbayaw na para sa isang birthday ang kinatay nilang mga aso.
Ikinagulat naman ng kapitan ng barangay ang nadiskubreng katayan ng aso.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang mga nadakip na dog meat trader.
Isa pang aso ang susunod na sanang kakatayin pero nailigtas. Dinala na ito sa rehabilitation rescue center ng AKF sa Capas, Tarlac. — VBL, GMA Integrated News