Pinasok ng ilang residente sa Concepcion, Tarlac ang goat farming o pagpapastol ng mga kambing dahil sa malaking kita na dala nito sa kanilang kabuhayan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ng ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing ilang residente sa Brgy. Alfonso ang na-engganyong nang subukan ang pag-aalaga ng mga kambing.
Ayon kay Jomary Nuqui, nagpapastol ng kambing, maaaring pakainin ng concentrate o feeds ang mga kambing, pero maaari na itong mabuhay sa pagkain lamang ng damo kaya mababa rin ang gastusin.
Tinatayang nasa P30,000 ang kikitain ng isang nagpapastol ng kambing kada buwan.
Ilan sa mga produktong gawa sa kambing na maaaring pagkakitaan ang goat meat, keso at gatas. —Jamil Santos/LBG/FRJ, GMA Integrated News