Kinasuhan na ang driver ng Elf truck na nakasagasa sa limang estudyante ng Cavite State University.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries ang driver na kinilalang si Federico Baculan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon sa pangulo ng Cavite State University na si Dr. Hernando Robles, nakarehistro sa pangalan ng pamantasan ang truck.

Labinlimang taon na rin daw na empleyado ng unibersidad si Baculan.

Handa raw ang pamantasan na tulungan ang mga naging biktima ng trahedya pati na ang kanilang mga pamilya, ayon kay Robles.

Samantala, suspendido muna ang lahat ng aktibidad ng mga estudyante sa Cavite State University hanggang Biyernes.

Dead on the spot ang isang estudyante habang nasugatan ang apat pa matapos araruhin ng Elf truck ang isang bahagi ng main campus ng Cavite State University noong Lunes.

Ayon kay Indang Police chief Police Major Edward Cantano, nagbabasa noon ang mga estudyante nang bigla na lang inararo ng Elf truck ang lugar kung nasaan sila.

Walang sakay na driver noon ang truck nang maganap ang aksidente. Ayon kay Baculan, nagde-deliver sila noon ng tubig sa pamantasan at nakalimutan niyang lagyan ng kalso ang gulong ng truck. —KG, GMA Integrated News