Isang first year college student ang nasawi, habang apat pa ang sugatan matapos silang araruhin ng isang Elf truck sa pasilidad ng unibersidad sa Indang, Cavite nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Indang Police chief Police Major Edward Cantano, na nagbabasa ng libro ang mga estudyante sa bahagi ng main campus ng Cavite State University nang umandar ang truck nang walang driver.
Batay sa paliwanag ng drayber na si Federico Baculan, naghahatid sila ng tubig sa unibersidad at nakalimutan niyang kalsuhan ang gulong ng truck.
Dahil pababa ang kalsada, mabilis ang naging takbo ng truck kahit nakapatay ang makina nito at nasalpok ang mga estudyante.
Nasa kustodiya na ng Indang Police si Bakulan habang ginagamot pa ang apat na estudyante.
Samantala, sinabi ng Cavite State University na ikinalungkot nito ang nangyari sa mga biktima.
“We would like to assure the public that the University is providing the victims and their families with necessary assistance,” saad ng unibersidad sa isang pahayag.
Dagdag pa nito, mahigpit na sinusubaybayan ng mga opisyal ng unibersidad ang mga kondisyon ng mga sugatang estudyante at tiniyak na magbibigay ng suporta sa kanila.
Hinikayat din ng unibersidad ang publiko na iwasan ang pagbabahagi at pag-post ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng trauma.
“We are asking for prayers as the respective families and the whole CvSU community go through this difficult time,” saad pa nito. --FRJ, GMA Integrated News