Patay na nang makita ang katawan ng isang batang babaeng pitong taong gulang sa Kabacan, Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Araida, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Ayon sa mga awtoridad, noong Huwebes ay naligo ang biktima sa ilog ng Kabacan kasama ang kanyang pinsan habang nasa sakahan ang kanyang mga magulang.

Napansin na lang ng pinsan na hindi na niya makita si Araida.

Agad sinuyod ng mga tao ang ilog pero bigo sila na makita ang bata.

Noong Sabado raw ay mismong ang mga magulang ng biktima ang nakakita sa bangkay ng biktima na lumutang malapit sa lugar kung saan siya nalunod.

Agad namang inilibing ang biktima bilang pagsunod sa tradisyong Islam. —KG, GMA Integrated News