Naging biglaan ang pagpanaw nitong Linggo ng 52-anyos na alkalde ng Calasiao, Pangasinan na si Mamilyn Caramat, ang kauna-unahang babaeng alkalde ng nasabing munisipalidad.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Lunes, sinabing pumanaw si Caramat sa tahanan nito sa Barangay Nalsian.

Pinuntahan ni Calasiao Municipal Administrator at anak ni Caramat na si Patrick, ang mga tanggapan sa munisipyo para ipabatid ang pagpanaw ng kaniyang ina.

Nagpasalamat siya sa lahat ng pagmamahal at suporta na ibinigay sa kaniyang ina.

Nilinaw din ni Patrick na wala umanong ibang iniindang sakit ang kaniyang ina at sadyang biglaan umano ang mga pangyayari.

“We would like to tell that she did not die from hypertension or due to a stroke. I could not bear any much information but an organ failure,” ani Patrick.

Hindi rin umano napagod nang labis ang alkalde sa mga dinaluhang event noong holiday season.

“Lahat po ng events ng ating mayor ay ginusto niya po. Siya po ang nagplano nu’n at hindi po siya napagod. Actually, during her final days or final hours should I say, ang nasa isip niya po ang bayan ng Calasiao,” dagdag pa ni Patrick.

Naka-half-mast ang watawat ng munisipyo bilang tanda ng pagluluksa at pakikiramay ng mga empleyado.

“Alam niya po ang lahat niyang gagawin para i-provide ‘yung mga dapat na kailangan ng mga empleyado. Saka mahal na mahal niya po ang mga empleyado at mahal na mahal din namin sila dahil isa siya sa tunay na ina ng bayan,” ani Diomar Maynigo, kawani ng lokal na pamahalaan.

“Masakit sa pakiramdam saka biglaan… mabait siya. Mga pinagawa nila sa Calasiao dyan sa plaza, ‘yung maraming napasaya,” ayon pa sa isang empleyado.

Bago naging alkalde si Caramat, naging chairwoman siya ng Barangay Nalsian at presidente ng Liga sa bayan.

Siya rin ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Calasiao.

Nakaburol ang labi ng alkalde sa kanilang family resort sa Barangay Nalsian at nakatakda ang libing  nito sa Enero 18.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News