Hindi makapaniwala ang mga kamag-anak ng negosyante at modelong si Yvonette Plaza na sa madugong paraan magtatapos ang kaniyang buhay. Binaril at napatay ng riding in tandem sa labas ng kaniyang bahay ang biktima noong nakaraang linggo sa Davao City.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, umaasa ang pamilya ni Yvonette, lalo na ang kaniyang ina na si Henrietta, na mabibigyan ng hustisya ang kaniyang anak.

"Sana mabigyan ng hustisya si Yvonne para maging panatag din siya at kami rin na mga magulang niya," hiling ng ina.

Ayon kay Henrietta, mapagmahal at mapagbigay ang kaniyang anak.

"Generous, understanding at truthful sa aming pamilya at sa kaniyang mga kaibigan," paglalarawan pa ng ginang kay Yvonette, na pangatlo sa apat na magkakapatid.

Ang kapatid ni Yvonette na si Fritzi, sinabing labis silang nabigla sa mabilis na pangyayari at hindi nila inaasahan na sa ganoong paraan magtatapos ang buhay nito.

Ang kaibigan naman na si Atty. Arnel Gonzales, inilarawan si Yvonette na masayahing tao, "life of the party," at mahal ng lahat.

Kaya naman ikinagulat umano nila ang nangyari sa kaibigan.

Kaugnay nito, sinabi ni Ginang Henrietta na may mga maling impormasyon na lumabas sa social media tungkol sa kaniyang anak.

"Alam ko hearsay yung mga sinasabi niya. Yung iba hindi naman totoo pero pinalabas nila na ganun negative. Ako hindi man ako marunong magkuwan... mga Facebook wala akong alam d'yan," saad niya.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga pumaslang kay Yvonette.

Nag-alok na ang pulisya ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng riding in tandem na pumaslang sa biktima.

Kabilang sa tinitingnan motibo ng pulisya sa krimen ang personal na away at negosyo.--FRJ, GMA Integrated News