Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng isang rider sa Batangas na sisitahin lang sana sa checkpoint dahil wala siyang suot na helmet. Pero sa halip na tumigil, sumibat ang rider at nang maabutan ng mga pulis, may nakuha umano sa kaniya na ilegal na droga.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Randy Gutierrez, 40-anyos, residente Barangay Dumantay sa Batangas City.
Nahuli-cam dakong 10:00 am ang pag-aresto ng mga awtoridad kay Gutierrez sa bahagi ng P. Herrera St. sa Barangay 6 sa nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, walang suot na helmet si Gutierrez kaya pinapahinto ng mga awtoridad sa checkpoint. Pero sa halip na tumigil, humarurot umano ang rider.
Kaya naman hinabol siya ng mga awtoridad hanggang sa inabutan. Nang kapkapan, nakita ang isang sachet ng hininalang shabu at iba pang drug paraphernalia.
Ayon kay Police Leiutenant Colonel Dwight Fonte Jr., hepe ng Batangas City Police station, tinanggka pa umano ng suspek na banggain ang humarang sa kaniyang awtoridad.
"Nakaiwas po ang pulis natin at yung isang pulis naman nahawakan siya sa damit at napigilan po siya. Natumba po yung motor at siya po ay nahuli ng pulis," ayon sa opisyal.
Ayon kay Fonte, kabilang sa mga kasong isasampa laban kay Gutierrez ang pag-iingat niya ng ilegal na droga, disobedience to a person in authority, at attempted murder.
Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ng suspek, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News