Bangkay na nang matagpuan ang dalawang lalaking turista na nawala isang araw makalipas ang Pasko sa Nasugbu, Batangas, matapos silang posibleng malunod.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Saksi, kinilala ang mga biktima na sina Marvin Sid-ay at Mark Aldrin Siringan.

Naiuwi na sa Quezon City ang kanilang mga labi.

Sinabi ng kanilang kaibigan na nagpaalam ang dalawa na maglalakad sa kabilang bahagi ng dalampasigan.

Ayon sa mga lokal na awtoridad, posibleng nataranta ang magkaibigan nang biglang lumalim ang tubig sa pinuntahan nilang sandbar.

Ayon naman sa barangay, walang nagbabantay sa lugar kaya hindi agad napaulat na nawala na ang mga biktima.

Pero lagi silang nagbibilin sa mga resort owner at mga turista na mag-ingat.

Paiigtingin pa raw nila ang pagbabantay sa lugar.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga kamag-anak ng biktima at ng may-ari ng resort. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News