Matinding selos ang isa sa tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa nangyaring pananaksak at pagpatay ng isang lalaki sa 18-anyos na babae na kaniyang kinakasama sa Tanauan City, Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, kinilala ang biktima na Roselyn dela Rosa, residente ng Barangay Darasa.
Patuloy naman pinaghahanap ang suspek na si Hernan Aconin, na ayon sa pulisya ay nakulong na noon sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon sa ama ng biktima na si Romeo, tatlong buwan pa lang na nagsasama ang kaniyang anak at ang suspek.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, selos ang isa sa tinitingnang motibo sa krimen na nangyari sa tinutuluyang kuwarto ng dalawa.
Ayon kay Police Major Arwin Baby Caimbon, Deputy Chief ng Tanauan City Police, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang dalawa at umalis ang lalaki.
Pero nang bumalik, doon na umano pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay na sinasabing huling nakita ang suspek pero wala na ito nang dumating ang mga pulis.
Sinusubukan pang makunan ng pahayag ang kaanak ng suspek, na nahaharap sa kasong murder.--FRJ, GMA Integrated News