Nasawi ang isang ginang habang sugatan ang kaniyang mister nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo matapos na mabundol umano ang aso na biglang tumawid sa General Luna, Quezon.

Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa provincial road na sakop ng Barangay San Isidro Ilaya.

Ayon sa pulisya, ang 40-anyos na mister ang rider ng motorsiklo habang, angkas niya ang kaniyang misis na 39-taong-gulang.

Nawalan umano ng kontrol sa motorsiklo ang rider nang mabundol ang aso. Tumilapon ang mag-asawa at nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang ginang na dahilan ng kaniyang kamatayan.

Dinala naman sa ospital ang sugatang mister.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklo at hindi raw suot ng mag-asawa ang kanilang helmet.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang may-ari ng aso na sinasabing sangkot sa aksidente.

Payo ng awtoridad sa mga may-ari ng aso, itali ang mga alaga. Pinaalalahan naman ang mga sumasakay sa motorsiklo na magsuot lagi ng helmet.--FRJ, GMA Integrated News