Bukod sa pampainit, putok batok sa sarap at napagkakamalang bulalo ang patok na Deathrow Pares dahil sa bone marrow na sangkap nito sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Oscar Oida, makikitang bukod sa bone marrow, may kasama pang mais ang Deathrow Pares.

Talaga namang mapapaputok-batok ang mga kostumer sa Deathrow Pares dahil sa mga sahog nitong karne ng baka, tuwalya, crispy chicharon bulaklak, balut, mais, carrots, bone marrow at mainit na sabaw na may taba.

Sa umaga pa lamang ng 6 a.m., hinahanda ng mga tauhan ni Daryl Alto, owner ng Pares ni Chairman, ang 25 kilo ng baka na gagawing pares, pati na ang mga sahog.

Aabutin sila ng apat hanggang limang oras sa pagluluto, bago dadalhin sa tindahan at bubuksan ang paresan ng 3 p.m.

Paalala naman ng nutritionist dietician na si May Ignacio, higit na sa dapat ikonsumong kolesterol ng isang tao ang dalawa at kalahating kutsara ng utak ng baka.

Biro naman ni Alto sa mga kostumer, malapit lamang ang kanilang paresan sa barangay kung sakaling makaranas ng mataas na blood pressure.

Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang sikreto sa paghahanda ng patok na Deathrow Pares. —VBL, GMA Integrated News