Sugatan matapos mabaril ng rumespondeng pulis ang isang lalaki na tumangay umano ng mahigit 20 tray ng panindang itlog sa Lemery, Batangas.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing naka-hospital arrest ang 34-anyos na suspek dahil sa tinamong tama ng bala sa hita mula sa rumespondeng pulis.
Ayon sa pulisya, bumunot umano ng kalibre .45 na baril ang suspek kaya pinaputukan na ito ng pulis na humabol sa kaniya matapos tangayin ang mga ninakaw umanong itlog sa Barangay District 4.
Dagdag pa ng awtoridad, rumesponde ang mga pulis matapos magsumbong sa kanila ang isang negosyante kaugnay sa ginawang pagtangay ng armadong lalaki sa mahigit 20 tray ng itlog na idedeliber na.
Tumakas ang suspek sakay ng tricycle, at naabutan ng mga pulis sa isang palengke para ibenta ang mga tinangay na itlog.
Ngunit nakaalpas ang suspek at nagkaroon ng habulan hanggang makarating sa Barangay Maligaya. Dito na umano bumunot ng baril ang suspek at nabaril siya ng pulis.
Natuklasan din ng mga awtoridad na may dati nang kaso na kinakaharap ang suspek sa mga kasing homicide at illegal possession of firearms sa lungsod ng Lipa.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng suspek at ang biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News