Nakatanggap ng maagang pamasko mula sa Talisay City Police sa Cebu ang isang 64-anyos na lola na natigil sa trabaho niyang pananahi at nakatira ngayon sa nasira niyang bahay. Ang lola, naiyak sa tuwa sa natanggap na mga biyaya.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing naging mapalad na benepisyaryo ng Christmas gift-giving ng kapulisan ang 64-anyos na si Lola Guillerma Labrador mula sa Sitio Ilang-Ilang, Barangay Lagtang.
Mahigit 20 taon nang mananahi sa isang pabrika si Lola Guillerma, at naninirahan ngayon sa nasira niyang bahay sa kasagsagan ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
Natigil din si Lola Guillerma sa trabaho nang magkasakit, at pareho ring nawalan ng trabaho ang dalawa niyang mga anak.
Kahit may iniindang sakit, namamasukan pa si Lola Guillerma bilang kahera sa isang lotto outlet.
Hanggang sa makarating ang kaniyang paghihirap at pagpupursigi sa kapulisan ng Talisay City, sa pamamagitan ng kapitbahay nitong si Janice Hoy.
Nakatanggap ng sewing machine si Lola Guillerma, maliban pa sa grocery items, sa tulong ng Talisay City Chamber of Commerce, Trade and Industry at City Advisory Council.
Hindi napigilan ng lola na maging emosyonal sa natanggap niyang aginaldo.
Sinabi ng hepe ng kapulisan na sisikapin nilang matulungan si Lola Guillerma para maipaayos ang bahay nito.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News