Patay na nang makita sa loob ng kotse ang dalawang tao sa Dingras, Ilocos Norte.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, nakilala ang mga biktima na sina Keith Dhenelle Garabiles, 32-anyos, at Marilyn Marcelino, 49-anyos.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, isang residenteng nagjo-jogging sa lugar ang nakakita sa mga biktimang nakahandusay sa loob ng kotse kaya agad niyang ipinaalam sa pulisya.
Sa pagresponde ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), may nakitang tama ng bala ng baril sa leeg ang mga biktima.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng 9mm na baril at tatlong cellphone sa loob ng sasakyan.
“Under investigation kasi bakit sila andoon sa lugar at sa ganoong oras na andoon. Ang lugar na ito ay inhabited,” Dingras Police Station chief Police Major Julius Basallo.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa krimen at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa krimen.
Gayunman, hawak na nag SOCO ang mga cellphones para sa scientific examination.
Samantala, sinabi naman ng tiyuhin ni Garabiles na dati ng may natatatanggap na banta sa kaniyang buhay.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News