Patay ang isang 29-anyos na construction worker sa Narvacan, Ilocos Sur nang sumabog ang isang drum na kaniyang binuksan.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Arsenio Carancho, na nasabugan sa mukha sa lakas ng pressure mula sa loob ng drum.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ginamitan umano ng biktima ng grinder ang selyadong drum.
Ipinamahagi raw ang drum para sa flue curing ng tabacco at imbakan na rin ng tubig.
"Iyong ginawa niya kasi hindi proper ang pagbutas niya sa drum," ayon kay Police Major Ardacia Viloria, hepe ng Narvacan police station. "Kapag hindi mo kasi binuksan yung nasa taas na dalawang takip, malakas yung pressure sa loob."
Nagsagawa ng information campaign ang kapulisan, Department of Agriculte at Bureau of Fire Protection tungkol sa tamang pagbubukas ng drum para maiwasan ang katulad na insidente.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News