Isang 16-anyos na lalaki ang nasawi matapos tamaan ng bahagi ng sumabog na engine crank case cover ng motorsiklo habang nanonood ng motor show sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Mark Anthony Moreno.
Tatlong iba pa ang nasugatan, kabilang ang may-ari ng motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang pagsabog nang paandarin ng may-ari ng motorsiklo ang sasakyan.
Nasa likod umano ng motorsiklo si Moreno na halos tatlong metro ang layo nang tamaan ng tumilapon na parte ng engine crank case cover.
Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ni Moreno, na ayon sa kapatid ay tumakas lang dahil hindi nila ito pinayagan na umalis.
Sinagot naman ng lokal na pamahalaan ang burol at libing ng binatilyo.
Tinulungan din nila ang mga masugatan.
Bagaman may permit mula sa lokal na pamahalaan ang motor show, sinabi ng alkalde na si Karl Christian Vega, inakala nilang motor display lang ang gagawin sa naturang event.
Ipinatawag daw niya ang kapulisan at nagpupulong sila para ipatigil ang event nang malaman niyang may maingay na sa motor show nang biglang nangyari ang insidente.
Sasampahayan umano ng pulisya ng kaukulang reklamo ang organizer ng event at ang may-ari ng motorsiklong sangkot sa insidente.
Wala pa silang pahayag tungkol sa nangyari, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News