Bugbog sarado ang isang lalaki, habang hinalay ang kaniyang nobya matapos silang harangin at holdapin ng dalawang suspek habang namamasyal sa Caliraya Lake sa Lumban, Laguna.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nag-joyride patungong Caliraya Lake noong November 12 ang magkasintahang itinago sa pangalang “Jeffrey” at “Madel”.
Ayon kay Jeffrey, bandang 9 p.m. sila dumating sa lugar ngunit ilang minuto pa lang ang nakalipas nang bigla silang lapitan ng mga suspek.
“May huminto pong tricycle. Bumaba po ‘yung isa sakay tinutukan po kami ng baril. Huwag daw po kaming sisigaw kasi holdap daw po. Akala po namin, kukuhain lang po ang mga gamit namin. Tapos bigla po kaming pinasakay sa tricycle,” aniya.
Matapos nito, dinala raw sila sa madilim at masukal na bahagi ng Caliraya Lake.
“Hinampas po ako ng baril sa likod. Tumumba po ako, napasubsob po ako, sabay sinundan po ako ng medyo malaking katawan po… dun po ako pinag tatadyakan. Lahat po ginawa sa akin, pinaghahampas,” saad ni Jeffrey.
Ginahasa naman ang biktimang babae, at saka umalis ang mga salarin.
“Tinalian sa leeg. Ang ginawa ko po pinigil ko na lang po yung paghinga ko para po mapagkamalang patay ako at saka po umalis na sila,” sambit ni Jeffrey.
Dito na raw sila nakahingi ng tulong sa mga residente na naghatid sa kanila sa barangay at pulisya.
Isinugod sa ospital ang babae na nagtamo ng mga stab wounds, habang ang lalake ay isinama ng mga awtoridad sa follow-up operations.
“Dumating ang isang tricycle na may kapareho pong description. Positibo na pong itinuro ng ating biktima,” pahayag ni Lumban Municipal Police chief Police Captain Ed Pacana.
Unang nahuli ng pulisya ang suspek na si Danilo Barimbad saka niya binanggit ang kaniyang kasabwat na si Joseph Delos Reyes.
Batay sa imbestigasyon, datin na silang nasangkot sa pagnanakaw at ilegal na droga.
Nagmamakaawa naman ang mga salarin na patawarin sila.
“Sana po mapatawad po nila ako. Mga lasing lang po kami. Eh napag-isip po na mang-holdap po,” ani Barmimbad.
“Ako po ang nangholdap po. Nagkuha ng mga cellphone. Sana po patawarin po nila ako,” dagdag pa ni Delos Reyes.
Ngunit giit ni Jeffrey, “Gusto po namin na mabulok sila sa kulungan. Pagbayaran po ang lahat ng ginawa sa amin.” —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News