Natupok ang nasa mahigit 100 kabahayan sa Cebu City nitong Martes. Ang itinuturong dahilan ng sunog, ang napabayaang kandila na nakasindi.
Sa ulat ni Allan Domingo sa GMA News TV nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Tugas, Barangay Mambaling sa Cebu City.
Ayon sa mga bumbero, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay at dikit-dikit.
Naging pahirapan din ang pagresponde ang mga bumbero dahil sa masikip ang daanan.
Nangyari ang insidente noong Undas at may nagsindi umano ng kandila at napabayaan.
Wala namang nasaktan sa sunog pero aabot sa mahigit P2 milyon ang halaga ng pinsala nito, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News