Nasawi ang isang tricycle driver nang mahulog siya at ang kaniyang sasakyan sa isang sapa sa Natividad, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Francis Sagon, residente ng Barangay Rizal sa Natividad.
Isang residente na papunta umano sa bukid ang nakakita sa tricycle sa sapa sa Barangay San Miguel sa nabanggit ding bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagtamo ng sugat sa noo at nalunod si Sagon sa sapa, na nasa hanggang baywang ang lalim ng tubig.
"More or less [nasa] hip level [ang tubig sa sapa]. Pero siyempre siguro nabagok yung [ulo niya] kasi mayroon siyang tama sa forehead niya based on the post-mortem examination," ayon kay Police Leiutenant Erwin Lopez, hepe ng Natividad Police Station.
Wala rin umanong palatandaan ng foul play sa sinapit ng biktima.
Napag-alaman din ng pulisya na galing sa inuman si Sagon bago mangyari ang insidente.
Sinusubukan pa makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News