Tatlong benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ang tinanggal sa listahan sa Davao City matapos mabistong nagpapanggap lang na nagtatrabaho.
Ayon sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Biyernes, na-hulicam ang pagpapanggap ng isang babae at isang lalaki kasama ang isang tagakuha ng litrato.
Sa imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), napag-alamang kabilang ang tatlo sa 300 displaced workers ng Barangay 3A ng Davao City.
Benepisaryo raw ng TUPAD Program ang tatlo na inatasang mag-community service kapalit ng ayuda.
Pero ayon sa DOLE, nagpapalit-palit lang ang tatlo ng damit bago kuhaan ng litrato para masabing nagta-trabaho sila araw-araw kahit hindi naman. Dahil diyan, tinanggal sila sa listahan ng mga makatatanggap ng payout na P427 bawat araw.
Nagpahayag daw ang tatlo na hindi na sila magpapatuloy bilang benepisaryo ng TUPAD Program.
Nakarating na kay Davao City Representative Paolo Duterte ang insidente at nangako ito na gagawa ng hakbang ang kaniyang tanggapan at ang DOLE. —KBK, GMA News