Nalapnos ang mukha at katawan ng isa sa tatlong Grade 7 students na napaso matapos magliyab ang apoy sa alcohol stove sa gitna ng kanilang science experiment sa Davao de Oro.

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, sinabing nagpapagaling pa rin sa ospital si "Tonton," hindi niya tunay na pangalan, matapos ang insidente.

Lumabas sa imbestigasyon na humina na ang apoy sa stove kaya nilagyan ito ng ethyl alcohol ng kanilang guro.

Pero biglang lumaki ang apoy sa stove kaya napaso si Tonton at ang dalawa pa niyang kaklase.

Nagtamo naman ng minor injuries ang dalawa pang estudyante at nakauwi na kalaunan.

Nag-abot ng tulong ang ina ng guro sa mga nasaktang mga bata.

Wala ring planong magsampa ng kaso ang mga magulang ng mga bata laban sa guro.

Lumabas naman sa paunang imbestigasyon ng Department of Education na nasunod ang lahat ng tuntunin sa science experiment. — Jamil Santos/VBL, GMA News