Nasawi matapos pagbabaril sa loob ng kanilang bahay sa CICC compound sa Mandaue City, Cebu ang isang mag-asawa. Ang suspek, pasakay na sa bus para tumakas nang maaresto.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Romeo Oro, 38-anyos, at Maria Chona Oro, 29.

Ayon sa pulisya, nitong Lunes ng umaga nang magtungo sa CICC compound ang suspek na si Celso Lauro, isang security guard, at ipinagtanong kung saan ang bahay ng mag-asawang biktima.

Nang maituro ng kapitbahay kung saan nakatira ang mga Oro, pinuntahan ni Lauro ang mag-asawa at pinagbabaril sa loob ng bahay.

Kaagad na tumakas si Lauro at sasakay na sana ng bus pero naaresto siya ng pulis na malapit lang sa pinangyarihan ng krimen.

Inamin umano ni Lauro sa pulisya ang ginawang krimen. Sinabi rin nito na may relasyon sila ng babaeng biktima.

Sasampahan ang suspek ang reklamong double murder.--FRJ, GMA News