Patay ang isang motorcycle rider matapos mabangga ng isang police mobile sa San Carlos City sa Negros Occidental, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Sa lakas ng salpukan ay tumilapon ang rider na si Roy Vallente at nahulog sa kanal ang kaniyang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, nag-overtake sa tricycle ang police mobile kaya hindi nito agad nakita ang nakasalubong na motor.
Nakakulong na ang driver ng police mobile na si John Nieves, na isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City. Ginamit daw nito ang police mobile dahil hindi pa ito nai-turnover sa pulisya.
Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng police mobile. Hindi siya nagbigay ng pahayag. —KBK, GMA News