Saksak sa ulo at katawan ang tinamo ng isang 60-anyos na babae mula sa lalaking nanloob sa kaniyang bahay sa Bauan, Batangas.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Filomena Almongera, ng Barangay Manghinao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inihayag umano ng biktima na lumabas siya ng kuwarto para alamin kung may nakapasok sa kaniyang bahay.

Nakita raw ng biktima ang suspek sa sala at doon na siya inundayan ng saksak.

Sa kabila ng mga tinamong sugat sa ulo at katawan, nakahingi ng saklolo ang biktima sa kaniyang mga kapitbahay. Gayunman, nakatakas pa rin ang suspek at tangay ang P10,000 ng biktima.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang suspek na napag-alamang isang contruction worker at residente ng Barangay San Jose sa Antipolo City.

Patuloy na nagpapagaling ang biktima sa tinamo niyang mga sugat.--FRJ, GMA News