Isang lola at tatlo niyang apo ang nasawi matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Tubod, Lanao Del Norte.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya noong Linggo ng madaling araw sa Purok 1, Barangay Tangueguiron.
Kinilala ang mga nasawi na sina Charita Cabus, 71-anyos, isang retired school principal, at mga apo niya na sina Raisa, 20; Roy, 10; at Psyche, na 11-buwang gulang.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga kapitbahay ng mga biktima ang tumawag sa bumbero tungkol sa sunog nang madinig ang paghingi ng saklolo mula sa nasusunog na bahay.
Dakong 7:00 am na nang ideklara ng mga bumbero na fireout na ang sunog.
Tinatayang aabot sa P500,000 halaga ng mga ari-arian ang nasunog. Iniimbestigahan pa ang sanhi ng apoy.--FRJ, GMA News