Naospital ang isang menor de edad sa Talisay City, Cebu, matapos tamaan ng bala ng airgun, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules mula sa GMA Regional TV Balitang Bisdak.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pumasok sa pribadong fishpond at namingwit umano ang biktima kasama ang isa pang bata.
Nang makita raw ng apo ng caretaker ang dalawa ay pinaputukan niya ang mga ito ng airgun at tinamaan sa ulo ang biktima.
Ayon sa barangay, mentally challenged ang nagpaputok ng airgun na isa ring menor de edad.
Nakatakda namang operahan sa ulo ang biktima dahil bumaon daw ang tumamang pellet.
Sa follow-up operation ng mga pulis, kinuha nila ang menor de edad at itinurn-over sa City Social Welfare Office. Kinumpiska rin ang airgun at mga bala nito na pag-aari ng kaniyang lolo. —KBK, GMA News